Mas paiigtingin pa ng Department of Agriculture (DA) ang pagsugpo sa African Swine Fever (ASF) sa limang lalawigan ng Northern Mindanao.
Ito ang tiniyak ni DA Field Office-10 Regional Executive Director Jose Apollo Pacamalan, sa kanyang pakikipagpulong sa Northern Mindanao Hog Raisers Association, Inc (NORMINHOG).
Bilang pagpapakita ng suporta sa pamunuan ng DA sa Region 10, inulit ng swine industry stakeholder ang mga inisyatiba ng kanilang asosasyon na umakma sa estratehiya ng ahensya sa pag-iwas at pagkontrol ng ASF sa rehiyon.
Iminungkahi din ng hog raisers association na paigtingin ang pagsisikap ng public at private sector sa information dissemination tungkol sa ASF, lalo na sa mga backyard hog raisers.
Ito’y upang matiyak ang pagsunod sa mga itinakdang pamantayan at mga hakbang sa kaligtasan laban sa sakit. | ulat ni Rey Ferrer