Naglaan ng aabot sa mahigit P153 milyong halaga ng interbensyon ang Department of Agriculture-Bicol para sa mga magsasaka at mangingisda kasabay ng pagsasagawa ng Agri-Fiesta 2024 sa bayan ng Camalig, Albay.
Ayon kay Adelina A. Losa, Chief of Agribusiness and Marketing Assistance Division, naghanda ang kanilang ahensya ng ilang programa at pamamahagi ng asistensya sa mga magsasaka sa lalawigan ng Albay.
Kabilang rito ang P78 milyong halaga ng Rice Hybrid Palay Seeds, P53 milyong halaga ng Fertilizer Discount Voucher, P4.3 milyon para sa Rice Farmers Financial Assistance, P4.9 milyong halaga ng garden tools para sa high value crops, P1.7 milyon para sa Quick Response Fund, P8.3 milyong interbensyon para sa mga mais at cassava, P714,000 halaga ng biik, at P2 milyon para sa National Urban and Peri-urban Agriculture Program.
Samantala, umabot sa mahigit 800 magsasaka sa Albay na bagong rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang tumanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P5,000.
Ang nasabing inisyatiba ay kasabay ng selebrasyon ng “Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda” ngayong Mayo. Tinututukan nito ang pagsusuri ng pamahalaan sa mga programang kasalukuyang ipinatutupad ng mga ahensya ng gobyerno sa sektor ng agrikultura. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP Albay
📷: APAO