Nananatiling positibo ang Department of Agriculture (DA) na maaabot pa rin ng agri sector ang target na produksyon sa bigas ngayong taon sa kabila ng nakaambang banta ng La Niña.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bagamat inaasahang mas matindi ang pinsala sa agri sector ng mga bagyo at bahang dulot ng La Niña, kakayanin pa rin naman ng sektor na maabot ang 20.4 milyong metriko tonelada na target projection (MT) sa pagtatapos ng taon.
Inaasahan din ng DA na maglalaro lamang sa 500,000 MT hanggang 600,000 MT ang maging pinsala ng La Niña.
“Papasok pa rin iyong losses ng El Niño, La Niña doon sa projection natin (The El Niño, La Niña losses shall still go within our projections) and we can still hit more than 20 million metric tons,” pahayag ni De Mesa.
Batay sa pinakahuling tala ng DA, umabot na sa higit 60,000 ektarya ng lupaing sakahan ang naapektuhan ng El Niño, na may katumbas na volume loss na higit 100,000 MT.
Kabilang naman sa ikinakasang intervention ng DA ang mas maagang pagtatanim ng mga magsasaka para maaga rin ang anihan at hindi sumabay sa pagpasok ng malalakas na bagyo.
“Kung magtatanim ngayong May, ang palay kasi four months iyan. Sabihin mo nang June. June, July, August, September, so kaya niya pang i-harvest bago magdatingan iyong malalakas na bagyo,” ani De Mesa.
Bukod dito, tuloy-tuloy rin ang paghahanda ng DA para hindi lubos na mapinsala ng La Niña ang agri sector. | ulat ni Merry Ann Bastasa