Humingi ng tulong si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. kay Japanese Ambassador Endo Kazuya, para mapalakas ang pagluluwas ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas sa Japan.
Kabilang sa mga kahilingan ni Secretary Laurel ang pagbabawas ng taripa sa saging, pagbubukas ng merkado para sa avocado, pagpapalakas ng export ng mangga, at ang posibilidad ng regionalization para mapadali ang pag-export ng mga produktong manok.
Ang saging ang nangungunang produktong agrikultural na iniluluwas ng Pilipinas sa Japan, na umabot sa 3.4 milyong metriko tonelada mula 2020 hanggang 2023.
Umaasa ang Department of Agriculture na ang pagbabawas ng taripa ay magpapalakas sa kompetisyon ng saging ng Pilipinas sa Japan, kung saan ito ay mahalagang bahagi ng kanilang diet.
Simula January hanggang April 2024, umabot na sa mahigit 200,000 metriko tonelada ang nailuwas na saging mula Pilipinas patungo sa Japan. | ulat ni Diane Lear