Nagkaroon ng pagbigat sa daloy ng mga sasakyan sa bahagi ng East Avenue patungong EDSA bunsod ng ikinasang kilos-protesta ng grupong MANIBELA.
Sa impormasyon mula sa Quezon City Transport and Transport Management Department (QC TTMD) kaninang 8:30am, nasa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na ang buntot ng trapiko dahil bukod sa grupong nagtipon-tipon sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may mga jeepney units din ang nakahilera sa southbound lane kaya nalimitan ang nadaraanan ng mga motorista.
Dahil dito, agad na kumilos ang ilang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at pinakiusapan ang ilang nagpoprotesta na huwag iharang sa kalsada ang kanilang unit.
Nagtutulong-tulong ngayon ang mga tauhan ng MMDA at QC TTMD para alalayan ang mga motoristang dumadaan sa East Avenue.
Nasa halos isang oras nang nagsasagawa ng programa ang grupong MANIBELA sa tapat ng LTFRB kung saan inihahayag ng mga ito ang kanilang hinaing kontra PUV Modernization. | ulat ni Merry Ann Bastasa