Umakyat pa sa 374 ang bilang ng mga lugar sa bansa na nagdeklara ng State of Calamity dahil sa pinsalang iniiwan ng El Niño sa Pilipinas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Task Force El Niño Spokesperson Joey Villarama na base sa pinakahuling datos, nasa 163,000 na hektarya na ng lupang sakahan ang apektado, o katumbas ito ng P9.5 billion ng napinsalang pananim.
“Iyong worst El Niño year natin was 1997 at ang napinsala doon ay 667,000 hectares pero ngayon po, nasa 163,000 hectares po iyong pinsala sa agriculture, so 25% of that figure po na napinsala noong 1997.” —Asec Villarama.
Pagbibigay diin ng opisyal, nagagawang tapatan ng Marcos Administration ang danyos na ito.
Bukod kasi aniya sa Presidential Assistance na ipinagkakaloob ng Office of the President para sa mga apektadong magsasaka at mangingsida, nariyan rin ang tulong mula sa Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, at iba pang tanggapan ng pamahalaan.
“Bukod sa presidential assistance to farmers, fisherfolk and their families mayroon pong ten billion pesos na rin na naibigay na tulong ang iba’t ibang ahensiya gaya ng Department of Agriculture, DSWD, DOLE. Kaya nga sinasabi ng pangulo natin na whole-of-government approach talaga ang pagtugon ng ating pamahalaan sa mga naapektuhan nang matindi ng El Niño phenomenon.” —Asec Villarama. | ulat ni Racquel Bayan