Muling nagsanib pwersa ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para matulungan ang agrarian reform beneficiaries sa rehiyon ng Cagayan Valley.
Ito ay sa bisa ng nilagdaang memorandum of agreement (MoA) ng mga kinatawan ng dalawang ahensya sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP).
Layon nitong mabawasan ang gutom at kahirapan sa lugar at tiyakin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pag-uugnay sa Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs) sa mga institutional buyers bilang siguradong pamilihan para sa kanilang mga produkto.
Ayon kay DAR Regional Director Primo C. Lara, mula noong taong 2020, aabot na sa 15 ARBOs at 14 institusyonal na mamimili ang naiugnay ng DAR.
“Hindi tayo matatapos sa lagdaan ng MoA, dahil patuloy nating gagawin ang ating mandato upang mapabago natin ang pamumuhay ng ating mga benepisyaryo,” aniya.
Ang DSWD bilang pangunahing ahensiya na nagpapatupad sa EPAHP, ay kumikilos din batay sa direktiba ng Pangulo sa ilalim ng Memorandum Circular No. 47, na nag-aatas sa mga ahensya ng pamahalaan at mga instrumentalidad, at nag-uudyok sa local government units (LGUs) na suportahan ang patuloy at epektibong pagpapatupad ng EPAHP sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa