Nais ni Senador Raffy Tulfo na maimbitahan sa susunod na magiging pagdinig ng Senate Committee on Women ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si dating Mayor Jun Feliciano, na nag endorso kay incumbent Bamban Mayor Alice Guo noong nakaraang eleksyon.
Paliwanag ni Tulfo, kung inendorso ni dating Mayor Feliciano si Mayor Guo bilang kanyang kapalit ay maaaring alam nito ang pagkatao at pagkakakilanlan ni Guo.
Pinaiimbitahan rin ng senador sa susunod na pagdinig ng kumite ang midwife na nagpaanak kay Mayor Guo noong 1986.
Gayundin ang barangay chairman kung saan naroon ang sinasabing farm na pag aari ng alkalde kung saan umano siya lumaki at ang mga tauhan nito.
Sa naging pagdinig ay kinuwestiyon nina Senadora Risa Hontiveros ang birth certificate ni Mayor Guo partikular ang pagkakakilanlan ng kanyang mga magulang na sina Angelito Guo at Amelia Leal.
Base sa pagsisiyasat ni Hontiveros, napag-alaman na Chinese national ang ama ni Angelito Guo at katunayan ay taga-Fujian, China
Habang wala namang birth certificate ang sinasabing ina ni Mayor Alice na si Amelia na sinasabing isang Pilipina.
Kaya naman tanong tuloy ng senadora, paanong mapapatunayan ang pagka-Pilipino ni Guo kung walang record ang kanyang ina.
Lumalabas din record ng PSA na kapatid ni Mayor Alice sina Shiela Leal Guo at Seimen Leal Go, bagama’t sa nakaraang pagdinig ay itinanggi ng alkalde na kilala niya ang mga ito. | ulat ni Nimfa Asuncion