Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si dating PDEA Chief Dionisio Santiago para tumestigo tungkol sa kredibilidad ng testigo sa sinasabing ‘PDEA leaks’ na si dating PDEA agent Jonathan Morales.
Si Santiago ang iprinesentang surprise witness ni Senador Jinggoy Estrada sa pagdinig ng kumite ngayong araw.
Inilahad ni Santiago na bilang pinuno ng PDEA mula 2006 hanggang 2010 ay nakatrabaho niya si Morales.
Mula pa aniya noon ay kilala nang sinungaling si Morales.
Katunayan, ang tawag nga aniya noon nina Santiago kay Morales ay “STL” o story-telling liar.
Naniniwala rin si Senador Jinggoy Estrada na nagsinungaling si Morales sa personal data sheet (PDS) na isinumite nito sa PDEA.
Iprinesenta ni Estrada ang PDS ni Morales sa pagdinig kung saan nakasaad na itinanggi ng dating PDEA agent na na-discharge siya mula sa pambansang pulisya.
Itinanggi rin ni Morales sa isinumite niyang PDS na mayroon siyang mga kinakaharap na mga kaso.
Mga bagay na taliwas aniya sa katotohanan.
Sa kabila nito, iginiit pa rin ni Morales na hindi siya nagsinungaling sa credentials niya sa PDEA at sinunod niya ang requirements ng ahensya. | ulat ni Nimfa Asuncion