Tanggap ni Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez ang ipinataw na parusa sa kaniya ng Kamara kasunod ng reklamong inihain sa kaniya sa Ethics Committee.
Nasa 186 na mambabatas ang bumoto pabor sa pagpapataw ng censure kay Alvarez dahil sa disorderly behavior na nag-ugat sa mga binitiwan nitong pahayag sa isang rally sa Tagum, partikular ang panawagan sa militar at pulis na bawiin ang suporta sa pamahalaan.
Mas mababa ito kaysa sa orihinal na rekomendasyon ng komite na 60 days suspension.
Sinabi ni Alvarez, tama lang naman na siya ay patawan ng sanction.
“Okay lang yun, I think I deserved to be punished,” sabi ni Alvarez sa isang ambush interview.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Alvarez na masaya pa rin siya dahil dalawa sa panukalang batas na kaniyang isinulong ay pumasa na sa Kamara.
Una rito ang Absolute Divorce Bill na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa at ang Legalization ng Medical Marijuana na pasado na sa 2nd reading. | ulat ni Kathleen Jean Forbes