Kinonsidera ng Department of Education (DepEd) ang mas maikling in-person classes sa susunod na school year bilang bahagi ng agresibong aksyon upang agad nang makabalik sa old school calendar.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Education Assistant Secretary Francis Bringas, na ito ang pinakaagresibo nilang suhestiyon para maibalik na agad ang summer vacation ng mga estudyante sa Abril at Mayo.
Sa proposal ng DepEd, posibleng limitahan sa 165 days ang full in-person classes para sa school year 2024-2025.
Pero kalakip nito ay magkakaroon ng alternative delivery modes tuwing weekend o holiday para makumpleto ang mandatory 180 school days sa isang school year.
Aminado rin si Bringas, na kaakibat rin ng agresibong plano na ito ay mababawasan ang school break ng mga guro na makakaapekto naman sa kanilang vacation pay.
Maaari rin aniyang maranasan ng mga estudyante ang mas compressed na academic year sa pagbuo ng lahat ng learning competencies sa mas maikling school days. | ulat ni Nimfa Asuncion