Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng isang Grade 5 student ng Sinaliw Malaki Elementary School sa Alfonso, Cavite.
Ito’y matapos masawi ang nasabing mag-aaral at ikinasugat ng 3 ka-klase nito matapos na bumigay ang kanilang kinauupuan nilang kongkreto.
Batay sa pahayag ng DepEd, nakikipag-ugnayan na ang mga opisyal ng nakasasakop na Schools Division sa pamilya ng biktima para sa anumang tulong na kanilang i-aabot.
Patuloy namang nakatutok ang Kagawaran sa kalagayan ng 3 iba pang estudyante na nasugatan sa aksidente.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga school head sa lokal na Pamahalaan para sa tulong medikal at psychological first aid.
Nabatid sa ulat ng Alfonso PNP na nanananghalian lamang ang 4 na estudyante nang bumigay ang kinauupuan nilang kongkreto at mahulog sa pozo negro. | ulat ni Jaymark Dagala