Tinitingnan ngayon ng Department of Education ang pagdaraos ng klase sa araw ng Sabado.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni DepEd Director for Curriculum and Instruction-Bureau of Learning Delivery Leila Areola na plano nilang magsagawa ng klase kapag Sabado para punan ang mababawas na school days oras na magbalik sa lumang school calendar.
Aniya, plano ng DepEd na simulan ang School Year 2024- 2025 sa July 29 at matapos sa March 31, 2025.
Dahil dito magiging 163 days na lang ang bilang ng school days mula sa kasalukuyang 180.
Paglilinaw pa nito na bilang lang ang Sabado na ito.
“It’s not going to be every Saturday. There will just be certain Saturdays that we need to conduct, for example, distance learning, so that they will be able to cover the competencies that might not be covered with the reduction of the school year,” sabi ni Areola.
Ngunit nakuwestyon ni Pasig Rep. Roman Romulo, chair ng komite ang polisiyang ito.
Bagamat mayroong batas na nagtatakda na ang maximum na school day ay 220 wala naman aniyang polisiya o batas na ang minimum school days ay dapat 180 days.
Pag-amin ni Areola, wala ngang batas tungkol dito ngunit ito na aniya ang nakagisnang bilang mula pa noong 1990. | ulat ni Kathleen Jean Forbes