Target ng Department of Education (DepEd) na maipatayo muli ang mga nasirang paaralan na napinsala ng kalamidad.
Ito ay sa ilalim ng “Infrastructure for Safer and Resilient Schools” (ISRS) Project.
Bahagi ito ng MATATAG Agenda ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na layong tugunan ang pangangailangan na maipatayo muli ang mga paaralang nasalanta ng kalamidad mula 2019 hanggang 2023.
Ayon sa DepEd, mahigit 4,000 school buildings; mahigit 13,000 mga classroom; at mahigit 700,000 na mga mag-aaral ang makikinabang sa nasabing proyekto.
Bukod sa pagsasaayos ng mga gusali, layunin din ng ISRS Project na mapabuti ang mga proseso at kagamitan ng DepEd, pati na rin ang pagsasanay sa mga tauhan nito upang matiyak ang katatagan ng mga paaralan sa mga sakuna.
Ang proyektong ito pinondohan ng World Bank at inaasahang makukumpleto sa loob limang taon. | ulat ni Diane Lear