Tinawag ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez na isang “political circus” ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sa “PDEA leaks” na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iligal na droga.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Suarez na bagamat iginagalang nito ang desisyon ng Senado na mag-imbestiga, mas mainam na mga mahahalagang bagay na lamang ang kanilang pag-uukulan ng atensyon.
“Unang-una para po doon sa Senate hearing, of course we respect the position of the Senate, but sa akin kasi kung hindi nakakatulong sa bansa, bakit pa natin pag-uubusan ng oras at panahon. Sa akin, this is a mere political circus. I think this is part of a bigger orchestrated destabilization movement against the Marcos administration,” ani Suarez.
Una nang kinuwestyon ng mga miyembro ng Young Guns sa Kamara ang kredibilidad ng dismissed PDEA agent na si Jonathan Morales na nagsabing totoo ang PDEA leak report.
Mismong ang PDEA ay pinasinungalingan na rin ang naturang dokumento dahil sa serialized ang mga reports at hindi na maaaring burahin kapag naipasok na sa kanilang sistema.
Ani Suarez, hindi malayo na ang pinalulutang na report ay bahagi ng isang malaking plano para siraan ang administrasyong Marcos.
Kaya apela nito sa Senado na ang pagtuunan ng pansin ay ang mga bagay na makakapagpabuti sa kalagayan ng mga Pilipino gaya ng pag-amyenda sa Rice Tariffication Law para mapababa ang presyo ng bigas.
“I do hope and I pray to our colleagues in the Senate to focus on issues that have more national significance to the lives of the Filipino people. Bakit hindi natin tutukan yung mga problema na hinaharap ng ating bansa na mas may kinalaman sa pag-angat ng antas ng buhay ng ating mga kababayan?” saad nito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes