Ipinag-utos ni Senate President Chiz Escudero na i-digitize ang mga record ng Senado, kabilang na ang lahat ng mga batas mula 1987 o mga mas luma pa.
Binigyang diin ni Escudero na kinakailangang i-digitize ang senate journals at transcripts at iba pang mga dokumento ng Senado para madali itong ma-access ng mga historian, researcher at ng publiko.
Kasabay nito ay inatasan rin ng bagong senate president ang Legislative Records and Archives Services (LRAS) ng Senado na tumukoy ng at least 100 major laws ng bansa, gaya ng Labor Code, NIPAS o National Integrated Protected Areas System Act, Intellectual Property Law, at Local Government Code— at mag-develop ng tracking system o app para mapadali sa publiko ang pag-track sa mga ginagawang amyenda sa mga batas at sa mga bagong bersyon nito.
Ito ay bahagi ng patuloy na pag-iikot ni Escudero sa Senado at pakikipag-usap sa mga empleyado ng Mataas na Kapulungan kung ano ang mga kailangan nila.
Kaugnay nito, kinilala ng mambabatas ang pangangailangan para sa mas magagandang equipment at pasilidad ng Mataas na Kapulungan
Kabilang na ang air conditioning sa gusali na ilang linggo nang sira. | ulat ni Nimfa Asuncion