Ibinahagi ni Senadora Grace Poe na magaan at casual lang ang naging dinner ng mga senador kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at first lady Liza Araneta Marcos kagabi.
Ayon kay Poe, walang hiniling si Pangulong Marcos sa bagong liderato ng Senado.
Sinabi rin nina Senate President Chiz Escudero at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na walang napag-usapang priority bills at maging ang mga pagdinig ng Senado tungkol sa PDEA leaks.
Una nang sinabi ni Escudero na matagal na ang imbitasyong ito ng Pangulo sa mga senador.
Ito rin ang unang pagkakataon na nakasama si Escudero sa dinner ng mga senador kasama ang punong ehekutibo.
Nagpahayag naman ng suporta si Pangulong Marcos sa bagong liderato ng Senado.
Kabilang sa mga present sa naturang dinner ang mga senador na sumuporta kay bagong Senate President Escudero at naroon rin sina Senadora Loren Legarda at Senador Sherwin Gatchalian. | ulat ni Nimfa Asuncion