Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong araw, binigyang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) na maging maagap sa pagtugon sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa oras ng kanilang pangangailangan.
Ito ay upang maisulong ang kaligtasan at proteksyon ng OFWs.
Sa ginanap na job fair ng DMW sa Quezon City, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na kabilang sa direktiba ng Pangulo ang paggamit ng ₱2.8 na action fund ng ahensya para sa legal, financial, humanitarian, at medical assistance sa mga OFW.
Ikalawa ang pagpapatibay ng labor diplomacy ng Pilipinas sa ibang bansa para sa ligtas at transparent na recruitment.
At ang ikatlo ang pagpapaigting ng reintegration efforts ng DMW at Department of Labor and Employment (DOLE) gaya ng skills upgrading at entrepreneurship para sa mga nagbalik na mga OFW sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Cacdac na patuloy na tutulungan ang mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). | ulat ni Diane Lear