Kumpiyansa ang Department of Energy (DOE) na sapat ang magiging suplay ng kuryente sa susunod na taon, kasabay ng 2025 midterm elections.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, tinanong ni Committee chairman Senador Raffy Tulfo ang ahensya kung makakatiyak ba ang taumbayan na walang magiging brownout sa susunod na taon.
Ayon kay energy USec. Rowena Guevarra, sa mga nakalatag na planta sa bansa ay inaasahang higit 4000 megawatts ng power supply ang papasok sa susunod na taon.
Higit dalawang libo aniya dito ay conventional power supply habang 1900 mahigit ang renewable sources.
Siniguro rin ni Guevarra na binabantayan nilang maigi ang mga plantang papasok ngayong taon.
Inaalalayan rin aniya ng ahensya ang mga ito sa paglalakad ng mga kakailanganin nilang mga permit at lisensya para wala na silang rason na hindi makapag-operate alinsunod sa petsa na pinangako nila.| ulat ni Nimfa Asuncion