Tiniyak ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na buo ang suporta ng kaniyang kagawaran para sa mga proyekto at programa ng Department of Health (DOH).
Ito ang pahayag ng kalihim matapos ang kanilang pagkikita ni DOH Secretary Ted Herbosa upang talakayin kung paano masusuportahan ng DOF ang health department sa pagsulong ng universal health care para sa lahat ng Pilipino.
Inilatag ni Sec. Herbosa ang walong pangunahing programa ng DOH kabilang ang pagbabakuna, nutrisyon, maternal health, water sanitation and safety, tuberculosis, road safety, at non-communicable diseases, partikular na ang hypertension at diabetes, gayundin ang cancer.
Maliban dito, itinampok din ng kalihim ang digitalization ng mga serbisyong pangkalusugan bilang isang mahalagang inistiyatiba.
Dagdag pa ng DOH Secretary na nasa proseso na sila ng pagsasapinal ng Global Health Agenda ng Pilipinas at dito kinakailangan nila umano ang suporta ng DOF para matamo ang mga layunin ng sektor ng kalusugan, bagay na sinang-ayunan naman ni Sec. Recto. | ulat ni EJ Lazaro