Pinangunahan ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng kalihim nito na si Secretary Ted Herbosa ang kauna-unahang pulong ng Task Force para paunlarin pa ang Bagong Urgent Care at Ambulatory Services (BUCAS) centers sa bansa.
Layon ng mga BUCAS centers na tugunan ang mga pangangailangan sa pangangalaga sa kalusugan partikular na ang 28 milyong mahihirap na Pilipino sa bansa pagsapit ng taong 2028, na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pulong, binigyang-diin ni Sec. Herbosa ang kahalagahan ng mga BUCAS center, na nag-aalok ng mas mahabang oras ng serbisyo, urgent ambulatory rooms, mobile clinics na may laboratory services, telemedicine, at regular na mga outreach services.
Tinalakay din sa nasabing pagpupulong ang update sa pagtatatag at operasyon ng BUCAS centers sa buong bansa at ang samu’t saring serbisyong alok nito.
Muli namang ipinahayag ni Sec. Herbosa ang kanyang pangako sa DOH na tiyakin ang universal access sa pangangalaha sa kalusugan para sa lahat ng Pilipino.
Kasama rin sa pulong ang ilang opisyal ng DOH na sina Undersecretary Lilibeth David at Assistant Secretary Albert Domingo. | ulat ni EJ Lazaro