Kinumpirma ng Task Force for the West Philippine Sea na inutusan na sila ng Department of Justice para kumuha ng mga matitibay na ebedensya kaugnay ng pagsira ng mga corals sa naturang karagatan.
Ito ay upang mapabigat ang kaso na posibleng ihain ng Pilipinas sa United Nation Convention of the Law of the Sea laban sa China.
Ayon kay National Security Council Spokesman Jonathan Malaya, sinimulan na ng DOJ ang pangangalap ng mga datos upang mapalakas ang ihahaing kaso.
Kabilang sa mga ebedensya na kanilang ibibigay sa DOJ ay ang pagsira ng mga Chinese Fishing Vessels sa mga coral reefs sa mga isla na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Mula 2019 hanggang ngayon ay patuloy umanong sinisira ng China ang mga coral reef bukod pa sa paghuli sa mga endangered species.
Iligal din umanong kinuha ng mga Chinese Fishing Vessel ang mga giant clamp o taklobo sa mga isla sa West Philippine Sea gamit ang mga pangkayod.
Ang paghahain ng DOJ ng panibagong kaso laban sa China ay isang paraan ng Pilipinas na harangin o pigilan ang ginagawang paninira sa mga yamang dagat sa West Philippine Sea. | ulat ni Michael Rogas