Kasabay ng ika-51 Founding Anniversary ng Department of Tourism (DOT) ay kinilala ng ahensya ang 51 mga tourist guide mula sa Central Luzon.
Ayon sa DOT, bilang pagkilala ay binigyan ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ang nasabing local tour guides ng personal accident insurance na nagkakahalaga ng P2.55 milyon.
Nakatanggap din ang nasabing mga frontliner ng turismo ng tour guiding kits, na naglalaman ng electronic lapels, hats, sunblock, sunglasses, tumblers, at ibang tour guiding essentials.
Ayon kay Frasco, base sa kanyang pagrebisa ng mga proyekto at budget ng DOT ay hindi kakayanin ang nasabing insurance coverage para sa local tour guides kaya bilang regalo at pagkilalas sa kontribusyon ng mga ito ay personal na pera niya ang ginamit.
Batid aniya ng kalihim, na nakalinya sa trabaho ng mga local tour guide ang mga aksidente o di inaasahang pangyayari.
Dagdag pa ni Frasco, na napaka importante ng tungkulin ng tour guides sa bansa at naniniwala ang kalihim na napakahirap ng trabaho ng mga ito, kaya naman umaasa ito na mas mapapalakas pa ng naturang insurance coverage ang ginagawa ng mga nasabing guide. | ulat ni Lorenz Tanjoco