Hinikayat ng Department of Transportation (DOTr) ang jeepney operators at drivers na bigong makahabol sa April 30 deadline para sa franchise consolidation na i-avail ang ‘EnTSUPERneur’ program ng pamahalaan.
Layon nito na bigyan ng tulong pangkabuhayan ang mga operator at tsuper na nawalan ng pagkabuhayan sa panahong ito na hindi na sila makapamamasada.
Ayon kay DOTr Sec. Jaime Bautista, sa ilalim nito, tuturuan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga operator at tsuper ng iba’t ibang kasanayang pangkabuhayan.
Kabilang na rito ang skills training and assessment gayundin ang entrepreneurship training bilang alternatibong mapagkukunan ng kanilang pangaraw-araw na kita.
Naka-angkla naman ito sa Public Transportation Modernization Program katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) na layong bigyan ng alternatibong source of income ang mga dating nasa transport sector.
Muli ring binigyang diin ni Bautista na welcome ang mga unconsolidated driver at operator na sumama sa mga transport cooperative upang maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan. | ulat ni Jaymark Dagala