Patuloy ang pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga Local Government Unit (LGU) upang masiguro ang mabilis at maayos na paghahatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Aghon.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) at Spokesperson Irene Dumlao, nakapaglagak na ang ahensya ng family food packs at non-food items sa mga piling lugar sa bansa.
Nakipagkasundo rin ang DSWD sa ilang LGU para magamit ang kanilang mga bodega bilang imbakan ng relief goods.
Sa isang panayam sa Radyo Pilipinas, ibinahagi ni Asec. Dumlao na nakapagbigay na ang DSWD ng mahigit Php1.3 milyon halaga ng tulong sa mga probinsya ng Marinduque, Oriental Mindoro, Albay, Camarines Sur, at Sorsogon.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng DSWD Field Offices sa mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na sinalanta ng bagyo upang matukoy ang iba pang pangangailangan ng mga naapektuhan.| ulat ni Diane Lear