Nangako ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy na makikipagtulungan sa mga concerned partner at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtugon sa gutom sa bansa.
Pahayag ito ng DSWD, kasunod ng pinakahuling ulat ng Social Weather Stations (SWS) na tumaas ang hunger ratings sa buong bansa sa unang quarter ng 2024.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, ang pagtugon sa gutom at kahirapan sa bansa ay hindi lamang tungkulin ng isang ahensya ng gobyerno o isang task force, kung hindi ng buong burukrasya sa pamamagitan ng whole-of-government approach.
Ang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Program ay isa sa mga banner program ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger (IATF-ZH) na naglalayong makamit ang zero gutom at seguridad sa pagkain at nutrisyon.
Bukod sa EPAHP, magpapatuloy ang DSWD sa sariling mga programa at serbisyo na gagawin, mag-ambag sa whole of government approach laban sa gutom.
Ang DSWD ay tagapangulo ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger. | ulat ni Rey Ferrer