Hinatiran na ng agarang tulong ng Department of Social Welfare and Development ang mga pamilya na naapektuhan ng landslide sa Surigao del Norte noong ika-11 ng Mayo.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, mahigit P2 milyong halaga ng food at non-food items ang ipinamahagi sa may 266 pamilya sa Barangay Siana sa bayan ng Mainit.
Bukod sa agarang tulong, nagsagawa na rin ng assessment ang DSWD Field Office-Caraga sa mga apektadong pamilya sa tulong ng Office of Civil Defense kahapon, (May 12).
Sa ngayon, may 241 pamilya o 952 indibidwal ang nanunuluyan sa apat na evacuation centers sa munisipalidad ng Mainit at Tubod.
Habang ang 25 pamilya o 81 indibidwal ay nasa kanilang mga kaanak at kaibigan.
Pagtiyak pa ni Dumlao na mananatiling bukas ang kanilang komunikasyon sa apektadong munisipalidad upang makapagbigay pa ng karagdagang tulong. | ulat ni Rey Ferrer
📷: DSWD-Caraga