Nakipag-partner ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 903 service providers sa buong bansa para makapagbigay ng dagliang tulong sa mga nangangailangan.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, ang nasabing service providers ay binubuo ng hospitals, medical centers, dialysis centers, diagnostic clinics, pharmaceutical companies, medical devices/implants companies at funeral parlors.
Isang memorandum of agreement ang nilagdaan ng DSWD at service providers upang matiyak ang paglalaan ng serbisyo at benepisyo, batay na rin sa Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng ahensya.
Sa ilalim ng kasunduan, kikilalanin ng mga service provider ang mga approved at authenticated guarantee letter (GL) mula sa DSWD upang masakop ang mga gastos sa ospital, laboratory exams, medicines at assistive devices na ire-request ng mga AICS clients.
Ang guarantee letter ay isang dokumento na ini-isyu ng DSWD pabor sa mga beneficiary, at naka-address sa service provider upang bigyan ng garantiya ang payment para sa serbisyo. | ulat ni Rey Ferrer