Puspusan na rin ang paghahanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng epekto ng La Niña sa bansa.
Kasunod ito ng abiso ng PAGASA na mataas ang posibilidad na umiral naman ang La Niña matapos ang El Niño.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, nagpulong na ang Disaster Response Management Group ng ahensya para planuhin ang interventions sa mga posibleng maapektuhan ng La Niña.
Naaprubahan na rin aniya ang pagpapatupad ng ‘Buong Bansa Handa Project’ sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensya at pribadong sektor para sa mabilis na paghahatid ng tulong sa mga lugar na madalas tamaan ng matinding ulan at baha.
Nag-imbentaryo na rin ang DSWD sa mga warehouse at resource centers para matiyak na sapat ang food packs at non-food items na nakapreposisyon sa iba’t ibang rehiyon.
Sinisiguro din aniya ng ahensya ang maayos na procurement, produksyon at delivery ng mga ayuda nito.
At maging ang mga evacuation center sa bansa ay tinututukan na rin ng DSWD.
Kaugnay nito, iniulat ng DSWD na aabot na sa P97 milyong halaga ng relief packs ang naihatid nito sa mga apektadong pamilya ng El Niño sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa