Nanatiling matatag ang takbo ng ekonomiya ng bansa sa unang quarter ng taon ayon yan sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa ulat ni PSA Undersecretary at National Statistician Dennis S. Mapa, lumago sa 5.7% ang Gross Domestic Product (GDP) sa bansa sa unang quarter ng 2024.
Mas mataas ito sa 5.5% na naitala sa huling quarter ng 2023.
Ayon sa PSA, kabilang sa mga nakaambag sa economic growth ang financial at insurance activities, wholesale at retail trade, at manufacturing.
Dagdag pa nito, lahat ng major economic sectors, kabilang ang Agriculture, forestry, at fishing (AFF); Industry; at Services ay nagtala ng year-on-year na pagtaas sa unang quarter ng 2024.
Ipinagmalaki naman ni Sec. Balisacan na sa kabila ng hamon ng El Nino at iba pang global shocks ay nanatili pa rin ang posisyon ng Pilipinas bilang isa sa emerging economies sa buong Asya.
Katunayan, nalagpasan pa aniya ng Pilipinas ang GDP ng malalaking ekonomiya gaya ng China at Indonesia.
Kaugnay nito, patuloy rin ang commitment ng pamahalaan na matutukan ang inflation, food security sa bansa gayundin ang intervention sa El Niño at pati na ang banta ng La Niña. | ulat ni Merry Ann Bastasa