Iniugnay ng Department of Energy (DOE) sa mataas na heat index dulot ng El Niño ang mas madalas at magkakasunod na yellow at red alert status sa power grids sa bansa.
Sa imbestigasyon ng House Committee on Energy hinggil sa isyu, sinabi ni Energy Usec. Sharon Garin na April pa lang ay nakapagtala na sila ng peak demand sa Luzon gayong sa mga nakaraang taon, naitatala ito sa kalagitnaan pa ng Mayo.
Maliban dito, nakaapekto rin aniya ang init sa pagkasira o pagpalya ng ilan sa mga planta lalo na ang mga coal powerplant.
Kaya kung hindi aniya magbabago ang forecast ng PAGASA ukol sa El Niño at lagay ng panahon, posibleng makapagtala pa ng dalawang yellow alert sa Luzon grid hanggang katapusan ng Mayo.
Sa panig naman ng Energy Regulatory Commission, kinumpirma ng ahensya ang pagpalya ng 23 planta sa Luzon at 13 sa Visayas.
Sa Luzon, 17 ay dahil sa kakulangan sa suplay ng tubig dahil pawang hydro powerplants ang mga ito. | ulat ni Kathleen Forbes