Tinatayang aabot sa humigit-kumulang sa 459 na residente ng Brgy. Rizal ang nakatanggap kahapon ng libreng konsultasyon hatid ng Love Caravan sa Lungsod ng Taguig.
Maliban pa sa bilang na ito ang 151 na residente na sumailalim sa dental check-ups and procedures, 70 residenteng nakinabsang sa mga laboratory services, at halos 600 residente na nakatanggap ng libreng maintenance medicine at reseta.
Ayon sa Taguig LGU, bahagi ito ng kanilang patuloy na pagsisikap sa pagbibigay ng mahalagang serbisyong pangkalusugan na hatid ng Love Caravan at kanilang tugon kasunod ng biglaang pagsasara umano ng Makati ng walong health centers sa EMBO.
Bukod sa Love Caravan, bukas din para sa mga residente ng EMBO ang mga pasilidad ng Taguig, kabilang ang Taguig-Pateros District Hospital, 31 health centers, at iba’t ibang specialized centers.
Ang Love Caravan, isang mobile program na bumibisita sa mga komunidad tatlong beses sa isang linggo at nag-aalok ng iba’t ibang libreng serbisyong medikal tulad ng libreng konsultasyon, check-ups, diagnostics, iba’t ibang laboratory at mga test, at marami pang iba. | ulat ni EJ Lazaro