Welcome para sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan ang inilabas na Executive Order No. 59 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nag-aatas na i-streamline o padaliin ang pagproseso ng mga permit para sa 185 infrastructure flagship project sa bansa.
Ayon kay Deputy Speaker David Suarez, ipinapakita nito ang pagbibigay halaga ng Presidente sa development o pag-unlad.
Aniya, alam ng Pangulo na iilang taon na lang ang natitira sa kanyang administrasyon at wala siyang araw na gustong maaksaya pagdating sa mga proyektong gusto niyang maipatupad na may kinalaman sa pagbabago at pagpapaunlad sa Pilipinas.
“Ito din po ‘yung dahilan kung bakit siguro inilabas niya ‘yung bagong Executive Order, just so that we can do away with unnecessary government requirements, redundancy in documentation, just so that we can find this project being implemented in the soonest possible time dahil may national significance po talaga ito that will lead us towards our goal when it comes to being a middle-income status nation by 2025,” sabi ni Suarez.
Para naman kay Manila Rep. Joel Chua, akma ang kautusang ito sa Anti-Red Tape Law para maging episyente ang pagbaba ng serbisyo at maiwasan din ang kurapsyon.
Umaasa naman si La Union Rep. Paolo Ortega na maliban sa imprastraktura ay ma-streamline na rin ang proseso sa iba ang serbisyo ng gobyerno.
Suportado rin ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang atas ng presidente.
Sa paraan aniyang ito ay matitiyak na ang layunin ng proyekto ay talagang makakamit at mapapakinabangan ng taumbayan.
“Coming from Mindanao especially in an area where we need a substantial number of infra projects, nakakatulong ito dahil mas mafa-fast track natin iyong implementation. It would be expeditiously released, it would be expeditiously implemented. Na iyong intention talaga ng project maa-address niya, which is basically ‘yung pag-implement kasi kailangan mo din ikonsidera yung time element kung kailan at kung paano matapos iyong proyekto. So ito po ay mas makakagaan sa loob ng ating mga community na nangangailangan ng mga proyekto at nangangailangan ng mas expedious na implementation ng mga proyekto,” ani Adiong.
Binigyang diin naman ni AKO BICOL party-list Rep. Jil Bongalon ang napapanahong implementasyon ng naturang mga proyekto dahil ang pagkaantala dito ay maituturing na “disservice” sa mga Pilipino.
“Every delay na nae-experience natin we are doing a disservice to the Filipino people. Ang gusto lang naman po ng Pangulo ay kumbaga matapos po ito sa mas madaling panahon at makamit na ano mang benepisyo ang bentahe na makukuha natin dito po sa mga infra projects na binibigyan po ng prayoridad ng ating administrasyon.” giit ni Bongalon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes