Matagumpay na nasubukan ang “firepower” ng dalawang pinaka-modernong platapormang pandigma ng Philippine Navy (PN) sa Maritime Strike Drill ng Balikatan 39-2024 Exercise kahapon sa Laoag, Ilocos Norte.
Ayon kay Philippine Navy Public Affairs Office Chief Commander John Percie Alcos, nanguna ang isa sa Fast Attack Interdiction Craft (FAIC) ng PN sa pag-atake sa target, ang na-dekomisyong barko ng PN na BRP Lake Caliraya, gamit ang NLOS (non-line of sight) missile.
Sinundan ito ng pagpapakawala ng BRP Jose Rizal (FF150) ng kanyang C-Star Surface to Surface anti-ship missile na tinamaan ang target na may “pinpoint accuracy.”
Bukod sa missile strike, nakilahok din ang iba’t ibang naval at aerial asset ng Armed Forces of the Philippines at United States Armed Forces (USAF) sa pag-asinta sa target gamit ang iba’t ibang armas, bilang demonstrasyon ng “coordinated” at “multi-dimensional nature” ng modernong digmaang pandagat. | ulat ni Leo Sarne
📸: NPAO