Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong buwan ang validation at registration ng humigit-kumulang 300,000 pamilyang benepisyaryo ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program na ipatutupad sa Hulyo.
Ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay, ipatutupad na ang full scale Food Stamp Program sa 21 probinsya sa 10 rehiyon sa bansa na natukoy ng ahensya bilang mga prayoridad na lugar.
Kumuha na ng humigit-kumulang 1,000 validators ang DSWD para magsagawa ng validation at pagpaparehistro ng mga benepisyaryo sa Food Stamp Program sites.
Sabi pa ng opisyal, na napaka-metikuloso ng disenyo ng Food Stamp Program.
Bukod sa technical assistance na ibinigay ng development partners tulad ng World Food Programme at Asian Development Bank, nagbigay din ng inputs si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nais ng Pangulo na hindi lamang pagtugon sa gutom ang tutukan ng programa kung hindi pati na ang pagsusulong ng nutrisyon sa mga benepisyaryo upang maiwasan ang pagkabansot. | ulat ni Rey Ferrer