Binigyang diin ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco sa isang global forum sa Seoul, South Korea ang mahalagang papel ng gastronomy sa pag-unlad ng turismo.
Ayon kay Sec. Frasco, malaki ang benepisyo ng gastronomy o food tourism lalo na sa pag-akit ng mga turista mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo para sa pagsuporta sa mga lokal na negosyo, magsasaka, at paglikha ng trabaho.
Binanggit din ng Kalihim ang kahalagahan ng mga kaganapan tulad ng dinaluhan nitong mga forum sa pagkilala ng potensyal ng culinary experiences at pagpapalaganap ng cultural exchange sa mga kalahok ng bansa.
Kasabay din nitong kinilala ang positibong takbo ng pandaigdigang turismo matapos ang pandemya na nakitaan ng paglago ng 34 na porsyento o katumbas ng halos 1.28 billion international tourists sa nakalipas na taon kung saan nakikitaan ng Kalihim ang Gastronomy Tourism na isa sa mga pwersang magtutulak para sa tagumpay na inaasam ng lahat.| ulat ni EJ Lazaro