Inabisuhan na rin ng Water Resources Management Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga pampubliko at pribadong golf courses sa Metro Manila na makiisa sa pagtitipid ng tubig sa gitna ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
Sa inilabas na Bulletin no. 4 ng Water Resources Management Office (WRMO), nagpaalala ito sa mga general managers ng golf courses kaugnay ng water conservation measures na dapat nilang ipatupad.
Kasama na rito ang paggamit ng recycled water imbes na pipe water systems sa pagdidilig kanilang fairways at courses.
I-recycle din ang tubig mula sa clubhouse lalo na ang mula sa lababo at shower.
Sa mga oras na hindi operational ang golf course, dapat umanong ugaliing suriin ang main water meter para sa posibleng tagas at kung mayroon mang internal leaks, ay isara ang main valve mula 8PM hanggang 4AM.
Hangga’t maaari ay ipagpaliban na rin ang anumang swimming pool maintenance work na mangangailangan ng draining at pagpapalit ng tubig sa pool.
At paalalahanan ang lahat ng club members at mga bisita sa water conservation campaign ng pamahalaan.
Kasunod nito ay nakasaad din sa bulletin na mag-iikot ang ilang DENR personnel para magsagawa ng spot checks at information drives sa mga golf courses sa NCR. | ulat ni Merry Ann Bastasa