Nasa lalawigan ng Cagayan ngayon ang archaelogist na si Dr. Armand Mijares kasama ang grupo nito para ipagpatuloy ang paghahanap sa bahagi pa ng buto ng Homo Luzonensis o Ubag na isa sa bagong tuklas na uri ng tao at isa sa pinakamatandang species ng tao sa Southeast Asia.
Kahapon (May 7) nang mag-courtesy call ang grupo ni Mijares sa kapitolyo para ipaalam ang muling paghuhukay ng mga ito sa Callao Cave.
Ayon kay Cagayan Museum Curator Kevin Baclig, anim na linggo ang expedition ng grupo ni Mijares kung saan hindi na sa lugar kung saan nahukay ang bahagi ng Homo Luzonensis ang kanilang huhukayin.
Kung pagbabasehan kasi ayon sa pag-aaral at pagtaya ni Mijares sa level at daloy ng tubig sa Callao Cave noong unang panahon, maaaring naanod na sa ibang parte ng kuweba ang ilan sa parte ng buto ng naturang species ng tao.
Matatandaan na 2007 nang nakahukay si Mijares ng ngipin at buto ng ‘di pa kilalang uri ng tao na base unang pagtaya ay pinaniniwalaang higit 67,000 taon ang edad at pinangalanang Homo Luzonensis.
Ngunit nitong nakaraang taon lumabas na batay sa uranium-based dating na isinagawa sa nahukay na buto, lumalabas na 134,000 years old na ang Ubag o ang Homo Luzonensis Luzonensis. | ulat ni Dina Villacampa | RP Tuguegarao