Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang matagal na pagsasara ng Guadalupe Bridge sa Makati City upang sumailalim sa rehabilitasyon at pagpapatibay ng tulay.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, 34 na buwan na isasara ang nasabing tulay sa mga motorista na sisimulan sa Setyembre ngayong taon.
Pero paliwanag ni Artes, bago isara ang Guadalupe Bridge ay magtatayo muna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng temporary bridge.
Aniya, sa oras na matapos ang pagtatayo ng pansamantalang tulay saka naman sisimulan ang rehabilitasyon ng Guadalupe Bridge.
Aminado naman si Artes na magdudulot ng mabigat na trapiko ang paglalagay ng temporary bridge.
Samantala, sa Magallanes Flyover sa Makati City, sinabi ni Artes na hindi na muna itutuloy ang pagsasara nito sa halip ay sa Oktubre na lamang ito gagawin.
Ayon kay Artes, hindi na ito isasabay sa pagkukumpuni ng Kamuning Flyover at kapag sinara naman ang Magallanes Flover ay tuwing gabi lamang ito ipatutupad upang maiwasan ang abala sa mga motorista.| ulat ni Diane Lear