Patuloy pa ring namamahagi ng Family Food Packs (FFPs) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapektuhan ng bagyong Aghon.
Ayon sa DSWD, as of May 29, aabot na sa 4,950 family food packs na nagkakahalaga ng ₱3.4-million ang nailaan nito sa mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at Eastern Visayas.
Kabilang sa mga lalawigang may pinakamalaking natanggap ang Quezon Province at Sorsogon na mga labis na nasalanta ng bagyo.
Una na ring nagtungo si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa ilang bayan sa Quezon para personal na ipaabot ang tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng bagyong Aghon.
Ayon sa kalihim, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking mabilis na maihahatid ang tulong sa mga nakaranas ng hagupit ng bagyong Aghon.
Batay naman sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na sa ₱3.6-million ang halaga ng humanitarian assistance na nailaan ng kagawaran sa mga apektado ng bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa