Tinatayang aabot sa 24,191 ang bilang ng mga student visa ang inisyu ng Bureau of Immigration (BI) para sa mga foreign nationals noong 2023, na nagpapakita umano ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco ng lumalaking tiwala ng mga ito sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Maliban dito, inihayag din ng BI Commissioner sa ginanap na pagdinig ng Committee on Justice sa House of Representatives kamakailan, na ang pagtaas sa bilang ng mga dayuhang mag-aaral sa bansa ay maiuugnay sa matagumpay na kampanya ng gobyerno.
Binanggit din nito na walang iregularidad at sumunod sa proseso ang pagkakaloob ng visa sa mga foreign student.
Sa ilalim kasi ng Executive Order No. 285, aktibong pinapalaganap ng gobyerno ang bansa bilang isang rehiyonal na sentro ng edukasyon. Pinangungunahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang Inter-agency Committee on Foreign Students (IACFS), na kinabibilangan ng BI, National Bureau of Investigation (NBI), at iba pang ahensya.
Tinitiyak ng komiteng ito na ang mga dayuhang mag-aaral ay maingat na sinusuri at binabantayan upang mapanatili at mabantayan ang pambansang seguridad.
Inihayag naman ng CHED sa kaparehas na pagdinig na sa kasalukuyan ay mayroong 17,202 dayuhang estudyante ang naka-enrol sa bansa. Sa bilang na ito, 8,973 ay Indian, 5,334 ay Chinese, at 838 ay Nigerian. | ulat ni EJ Lazaro