Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) at NAIA PDEA-IADITG ang tinatayang aabot umano sa P85 milyong pisong halaga ng ecstasy tablet sa Central Mail Exchange Center sa domestic road sa Pasay City.
Ayon sa BOC -NAIA, nagmula pa sa Netherlands ang dumating parsela.
Apat na indibidwal naman ang naaaresto makaraang kunin ang isang parcel na naglalaman ng tinatayang aabot sa 50 libong piraso na ecstasy tablet.
Sa paunang impormasyon mula sa Customs-NAIA, dumating noong March 19 ang parsela na idineklarang dog food kung saan isinilid ang 8 malaking pakete na naglalaman ng illegal na droga.
Sinasabing galing pa ng Cabanatuan ang lalaking naarestong consignee na may kasama umanong barangay official nang i-claim ang naturang parcel.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at ang pag-imebentaryo sa nasabat na iligal na droga para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.| ulat ni AJ Ignacio