Naging mabunga ng pulong sa pagitan ni House Speaker Martin Romualdez at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang paghahanda sa papasok na panahon ng tag-ulan.
Kabilang sa mga dumalo ay sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, Department of Science and Technology (DOST) Sec. Renato Solidum, Jr., Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Maria Antonio Yulo Loyzaga, Metro Manila Development Authority (MMDA) Gen. Manager Procopio Lipana at Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Lord Villanueva.
Ang naturang pulong, ay tugon sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglatag ng mga hakbang para protektahan ang taumbayan mula sa banta ng mga pag-baha.
Tinukoy ni Romualdez ang babala ni Sec. Solidum na kaunti na lang ang oras para maghanda dahil papalapit na sa bansa ang mainit na tubig na pagmumulan ng mga pag-ulan.
Kaya mahalaga ayon sa lider ng Kamara na magtulungan hindi lang ang kongreso at mga ahensya kundi kasama ang buong kaomonidad.
Payo nito na ayusin ang pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabara sa mga daluyan ng tubig
Tuloy-tuloy din aniya ang dredging ng MMDA para malinis ang mga ilog.
“We urge all stakeholders, including national and local government agencies, the private sector, and our communities, to actively participate in these initiatives. Dapat naman po sumunod tayo sa mga protocols dito sa paglilinis at pagtatapon ng basura dahil napaka importante po na maayos ang ating mga areas kung saan tayo nakatira para maganda ang daloy ng tubig pag malakas ang ulan,” sabi ni Romualdez.
Kasabay nito ay tiniyak ni Romualdez na nakasuporta ang Kamara sa mga ginagawang aksyon ng naturang mga ahensya upang maiwasan na magkaroon ng casualties at pagkasira ng mga ari-arian.
“Siguro di pa natin nakalimutan yung Ondoy, yung nangyari dito sa NCR. At sinabi naman ng ating mga secretaries, kagaya dito sa nangyari dyan sa Pampanga, sa NLEX, siguro naman di na mauulit kasi yung mga constructions na ginawa last year tapos na pero pwede ring mangyari kaya mag-ingat din tayo para iwas tayo ng casualties kasi ayaw din nating may masasaktan o masawi dito sa atin parating na bagyo at dapat minimal na lang yung property damage kasi ayaw din naman nating ma-agrabyado ang ating mga mamamayan.” Giit ng House Speaker.| ulat ni Kathleen Forbes