Isang pulong ang ipapatawag ni House Speaker Martin Romualdez ngayong Martes bilang paghahadna at pagtugon sa pagbaha sa Metro Manila at karatig lugar.
Hiniling ng lider ng Kamara na makausap ang mga kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang Chairperson ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)
Giit ni Romualdez, seryosong paghahandaan ng gobyerno ang pagdating ng La Niña bago pa man ito makaapekto sa ating bansa.
“Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DPWH, DENR, DILG, at MMDA, at siyempre ng ating mga local government official, atin pong pinalalakas ang ating mga hakbang sa paghahanda at pag-iwas sa mga sakuna upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino,” sabi ni Romualdez.
Bahagi ng paghahanda ay ang pinaigting na ugnayan at pagtutulungan pagdating sa food security, sapat na suplay ng tubig at kuryente, kalusugan, mobility at interconnectivity.
Ayon pa sa House leader, ang atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay gawin ang lahat ng nararapat para tiyakin na ligtas sa kapahamakan ang mga komunidad at ang bawat pamilyang Pilipino.
Hinimok din nito ang mga komunidad na makiisa sa paghahanda ng national at local government sa paghahanda sa pagbaha.
“Hihingin din natin ang pakikipagtulungan ang mga komunidad at lahat ng mamamayan sa paghahandang gagawin natin. Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang pagkakaisa para maiwasan ang sakuna at masamang epekto na dala ng La Niña,” sabi pa ni Romualdez
Ang magiging resulta ng pulong ay ibabahagi aniya sa publiko. | ulat ni Kathleen Forbes