Nagbabala ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga motoristang hindi pulis na gumagamit ng logo ng PNP.
Ayon kay HPG-NCR Director Col. Neil Francia, hindi sila mangingiming sampahan ng kaso ang mga mapatutunayang iligal na gumagamit sa PNP logo.
Ginawa ni Col. Francia ang pahayag matapos maaresto ang dalawang Metro Manila Development Authority (MMDA) personnel na nagdikit ng PNP logo sa kanilang motorsiklo habang nagbibigay ng escort sa isa umanong opisyal sa kahabaan ng Diokno Avenue sa Parañaque City.
Ayon kay Francia, kahit lehitimo ang ginawang pag-escort ng dalawang MMDA, kwestyonable ang paggamit nila ng Police marking sa kanilang mga motor dahil hindi aniya sila awtorisadong gumamit nito.
Matatandaan na kamakailan lamang ay inaresto din ang isang HPG personnel na nag-moonlight bilang VIP escort, kasama ang isang na-dismiss na sundalo na naglagay pa ng Police logo sa kanyang motorsiklo para makapag-raket. | ulat ni Leo Sarne