Natukoy na ng mga awtoridad ang iba pang mga dayuhang sangkot sa 1.4 toneladang shabu na narekober kamakailan sa Alitagtag, Batangas.
Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa pulong balitaan sa Camp Crame, matapos iprisinta ang arestadong Canadian National na umano’y “Major player” sa nakumpiskang malaking shipment ng shabu.
Ang Canadian National na si Thomas Gordon O’Quinn alias James Toby Martin ay naaresto sa Tagaytay noong nakaraang linggo sa bisa ng Red Notice mula sa Interpol.
Ayon kay Abalos, hindi pa nasasampahan ng kaso si O’ Quinn kaugnay ng narekober na droga sa Batangas dahil gusto munang masiguro ng pamahalaan na air-tight ang kaso laban sa kanya. Sinabi naman ni Abalos, na natukoy nila na may iba pang mga dayuhan na sangkot sa pinaniniwalaang malaking drug-smuggling syndicate pero tumanggi munang magbigay ng detalye. | ulat ni Leo Sarne