Magkakasa na rin ng kani-kanilang imbestigasyon ang mga Committee on Ethics ng iba’t ibang grupo ng mga doktor at ospital kabilang ang Philippine Medical Association, Private Hospitals Association of the Philippines, at Philippine College of Hospital Administrator kaugnay ng isyu ng unethical na pagrereseta ng mga doktor.
Ibinahagi ito ni Dr. Bu Castro ng Philippine Medical Association sa naging pagdinig ng Senate Committee on Health tungkol sa ginagawang multi-level marketing (MLM) scheme o panunuhol umano ng isang pharmaceutical company sa ilang doktor para ibenta ang mga produkto nilang gamot at supplements.
Hiniling ni Castro sa komite ang sinasabing listahan ng mga doktor na sangkot sa iligal na kalakaran.
Kasabay nito ay tiniyak rin ni Dr. Castro na hindi nila kukunsintehin ang ganitong gawain at tiniyak na magiging patas sila sa gagawing imbestigasyon.
Una nang ipinahayag ni Senador Raffy Tulfo na mayroon siyang listahan ng mga doktor na sangkot sa MLM scheme ng pharma company kung saan nakapaloob ang pangalan ng nasa 120 na doktor. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion