Nagsampa ngayon ng patong patong na kaso sa tanggapan ng Ombudsman ang grupong United Filipino Consumers and Commuters laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng MWSS Corporate Office Trustees at MWSS regulatory office.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa P12-B Kaliwa Dam Project.
Sa 33-pahinang reklamo, sinampahan ng mga kasong paglabag sa Section 3 ng R.A. 3019 o Anti-graft and corrupt practices act, usurpation of authority, procurement law, gross neglect of duty and incompetence at indegenous people act sina MWSS Administrator, former deputy administrator at former bids and awards committee chairman Leonor c. Cleofas; dating mwss administrator at chairman Reynaldo Velasco, 2018 Bids and awards committee members— Anabella s. Altuna, Jocelyn m. Toledo, Ronald s. Abrigo, Ramon r. Fabul; Deputy administrator Jose Dorado jr., at Deputy Administrator Walter M. Partosa.
Hirit ng consumer group sa Ombudsman, magisyu ng immediate preventive suspension laban sa mga incumbent officials ng MWSS.
Ayon kay RJ Javellana, ilan lang sa atraso ng MWSS ang umanoy pangongolekta at paniningil sa water consumers para sa Kaliwa Dam project kahit na hindi pa ito napapakinabangan.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Javellana kay Pang. Ferdinand R. Marcos na linisin na ang MWSS para magkaroon ng hustisya ang taxpayers at water consumers.
Sa panig ng MWSS, handa naman umano silang sagutin ang reklamo na inihain sa Ombudsman. | ulat ni Merry Ann Bastasa