Aminado ang ilang kongresista na nadismaya sila kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil mas pinili umano nitong paniwalaan ang kuwento ng dismissed PDEA agent na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit ng iligal na droga.
Ayon kay Deputy Majority Leaders Faustino “Inno” Dy at Jude Acidre madali lang tukuyin kung sino ang nagsasabi ng totoo mula sa nagsasabi ng kasinungalingan kaya’t nakakalungkot aniya na mas piniling paniwalaan ng senador na totoo ang dokumento ni Jonathan Morales dahil lang sa meron itong mga marking gaya ng butas ng puncher.
“Para sa akin napakadaling i-distinguish kung sino po ang nagsasabi ng totoo at sino ang nagsasabi ng kasinungalingan,” ani Dy.
“Marahil kitang-kita naman ng taong bayan kung sino ang dapat paniwalaan. Hindi ko lang alam kung bakit ‘yung kasama nating senador, ‘yun ang gusto niyang paniwalaan,” sabi ni Acidre.
Mariin namang itinanggi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo sa komite ni dela Rosa na tunay ang mga dokumento, kabilang na ang pre-operation report at authority to operate.
Sinabi pa ni Lazo na hindi dapat paniwalaan ang mga testimonya ni Morales na nagsinungaling nang itago nito na siya ay sinibak ng Philippine National Police (PNP) nang pumasok ito sa PDEA.
Nagbabala din si Dy sa implikasyon ng pagtanggi ni dela Rosa na tanggapin ang panig ng PDEA sa integridad ng tanggapan.
“Ang dali pong i-fabricate ng gano’ng dokumento, na hindi porket may punch hole o may mga data doon o may mga information doon na posible ay totoo, hindi ibig sabihin na totoo na kaagad ‘yung dokumentong iyon. E mismong ‘yung ahensiya na po ang nagsasabi na hindi nga ito totoo. Bakit natin papaniwalaan ang mga taong dati na ngang may bahid sa kanilang history, may bahid na sa kanilang career? Bakit tayo maniniwala sa taong ganun?” dagdag pa ng mambabatas.
Nanawagan naman si Acidre sa publiko na maging mapagbantay at mapanuri, kasabay na rin ng pagtukoy sa mga taong tunay na naglilingkod sa kabutihan ng bansa, mula sa mga may interes lamang sa pulitika.
“Sana ho ay magmatiyag ang ating mga kababayan, ang ating kapwa Pilipino. Makita nila sino iyong para sa ikabubuti natin at sino iyong nag-iingay lang para sa mga pansarili niyang interes,” ayon pa kay Acidre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes