Aminado ang ilang mamimili sa Agora Public Market sa San Juan City na walang araw na hindi nila naramdaman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya’t kumbinsido sila sa naging ulat ng Phlippine Statistics Authority (PSA).
Sa pagtatanong-tanong ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang mamimili na bagaman may ilang produkto ang bumaba ang presyo pero panandalian lamang ito at bumabalik din sa dati.
Ilan lamang dito ang bigas na bumaba sa ₱48 ang kada kilo subalit umakyat na naman sa ₱50 ang kada kilo na well-milled o ang pinakadisenteng kalidad.
Nananatili namang mataas ang presyo ng karneng baboy, gayundin ang mga gulay gaya ng sibuyas, luya, at bawang
Dahil sa pagmahal ng mga bilihin, sinabi ng mga mamimili na nababawasan ang kanilang panggastos o iyong tinatawag naman na purchasing power.
Kaya naman, iba’t ibang diskarte sa pagtitipid ang kanilang ginagawa gaya ng pagbili ng ulam na nakalaan na para sa buong maghapon.
Pili na rin ang kanilang binibili o iyong mga higit na kailangan lamang upang hindi masayang, at dinaraan nila sa mga pampalasa ang niluluto nilang ulam.
Magugunitang sa ulat ng PSA, tumaas ang inflation sa bansa nitong Abril sa 3.8 percent na mas mataas sa 3.7 percent na naitala noong Marso.
Ito na rin ang pinakamabilis na inflation mula noong Disyembre 2023 na umabot sa 3.9 percent. | ulat ni Jaymark Dagala